Dapat unawain ng mga commuter at pasahero ang kalagayan ng transport sector sa bansa.
Ito ang sinabi ni Fr. Jerome Secillano, Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) – Permanent Committee on Public Affairs kasunod nang pagpayag ng pamahalaan na magtaas ng dalawang piso sa minimum fare mula sa siyam na piso.
Asahan na rin aniya na maraming maaapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis, kasama na ang mga commuters dala na rin ng ipapatupad na pagtaas sa minimum na presyo ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Iminungkahi rin nito sa mga simbahan na tulungan ang mga kawani na maibsan ang pasakit na dulot ng pagtaas ng presyo ng pamasahe sa pamamagitan ng pagbibigay ng transport allowance.
Hinimok pa ni Fr. Secillano ang pamahalaan na muling mamahagi ng fuel subsidy at suspendihin na excise tax sa langis dahil sa patuloy na oil price hike.