Sa kabila ng pagkakaiba ng mga paniniwala at sinusuportahang mga kandidato, hindi dapat magturingan ang mga botante na magkakaaway.
Ito ang apela ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) isang buwan bago ang May 9 elections.
Sa kanyang homily sa Baclaran Church sa Parañaque kahapon, inihayag ni CBCP President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na dapat mag-respetuhan ng paniniwala ang bawat isa.
Hindi naman anya dapat mag-away ang mga botante na isang magandang ugali bilang kristyano dahil wala namang ibang kalaban kundi ang prinsipe ng kasinungalingan na si Satan.
Samantala, nagbabala si David sa pagiging “neutral” sa halalan, gaya nang ginawa ni Poncio Pilato na naghugas-kamay sa panawagang ipako sa krus si Hesu Kristo, dahil sa takot na tawaging traydor at masipa sa pwesto.
Batid din anya ni Pilato na pawang mga bayaran ang mga nanawagang ipako sa krus si Kristo na hindi nalalayo sa mga social media troll ngayon, na eksperto sa pag-kontrol sa opinyon ng publiko sa pamamagitan ng pagkakalat ng kasinungalingan na nagpapanggap bilang katotohanan.