Nagpalabas na ng pastoral letter ang Simbahang Katolika ngayong weekend na binasa sa iba’t ibang panig ng bansa bilang pag-kondena sa giyera kontra iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pastoral letter ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Archbishop Socrates Villegas, hinimok nito ang mga mananampalataya na huwag manahimik at sa halip ay magsalita sa summary killings na nagaganap sa buong bansa.
Aniya, ang pananahimik ng mga tao ay maituturing na accomplice o kasabwat sa pagtaas ng bilang ng mga napapatay sa kasagsagan ng war against drugs ng Duterte administration.
Umapela ang simbahan sa mga mamamayan na huwag manaig ang takot at pananahimik sa mga nagaganap sa paligid.
Nanawagan din ang simbahan sa pamahalaan na solusyunan ang ugat ng problema sa droga at kriminalidad.
Ayon sa CBCP, babanggitin sa lahat ng misa ang sinasabing pinakamatinding batikos ng simbahan laban sa war on drugs na maituturing na “reign of terror.”
Marami na anya ang napapatay na wala namang kaugayan sa illegal drugs kung saan ang mga pumapatay ay hindi napaparusahan.
Mahigit pitong libo animnaraan (7,600) na ang napapatay ang kasama ang ilang inosenteng sibilyan sa pinaigting na kampanya kontra droga ng gobyerno simula nang ilunsad ito noong Hulyo 1.
By Rianne Briones