Umapela ang mga obispo ng simbahang katolika sa Pilipinas kay Pangulong Noynoy Aquino na magsagawa ng matapat, masusi, makatarungan at mabilis na pagsisiyasat.
Ito’y makaraang ipahayag ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines o CBCP ang kanilang pagkabahala sa walang awang pagpatay sa ilang pinuno ng katutubong lumad.
Ayon kay CBCP President at Lingaye-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, hindi makatutulong ang pagtuturuan bago pa man magsagawa ng kaukulang aksyon.
Ginawa ng arsobispo ang pahayag kasunod ng pagbibintang sa mga militia groups at pagtanggi sa pananagutan sa mga nangyaring pang-aagrabyado sa mga lumad.
Dahil dito, sinabi ni Villegas na ipinakikita lamang ng gobyerno na mayroon itong kinikilingan at pinoprotektahan sa nangyari.
Nababahala rin ang arzobispo sa paggamit ng militia groups ng pamahalan sa kanilang counter insurgency campaign
Aniya, dapat itigil na lamang ang paggamit sa nasabing grupo kung hindi naman nito kayang sundin ang mga umiiral na panuntunan at batas ng bansa
Iginiit pa ni Villegas, lumalabas lamang ang kahinaan ng pamahalaan dahil sa kabiguan nitong protektahan ang mga lumad.
By: Jaymark Dagala