Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa pamahalaan na magpatupad ng deployment ban ng mga Overseas Filipino Workers o OFW sa Kuwait.
Ipinaalala rin ng CBCP ang kasunduang pinagtibay ng Pilipinas at Kuwait noong nakaraang taon para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, dapat ay obligahin ng administrasyong Duterte ang gobyerno Kuwait na ipatupad na ang naturang kasunduan.
Dito aniya rin masisiguro na mabibigyan ng katarungan ang sinapit ng isang Pilipina na inabuso ng isang airport security personnel sa Kuwait.
Naninindigan din ang obispo na dapat maaresto at maparusahan ang 22-taong gulang na suspek na kinilalang si Fayed Naser Hamad Alajmy na dumukot at gumahasa sa OFW.
Pebrero ng nakalipas na taon nang ipatupad ang total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait matapos ang kalunos-lunos na pagpatay sa pilipinang si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer.