Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang mga Katoliko na gamitin ang mga Semana Santa sa pagso-soul searching.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, isa sa dapat isama sa paghahanap ng mga Katoliko ay ang karapat-dapat na mamuno sa bansa sa darating na halalan sa Mayo.
Sa panig naman ni CBCP President at Lingayen – Dagupan Archbishop Soc Villegas, sinabi nito na dapat huwag kalimutan ang pagkahabag, pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa.
Binigyang diin pa ng arzobispo na hindi ang pananakit sa sarili ang tunay na diwa ng mga Semana Santa kundi ang pagkakawang-gawa at paglalakbay tungo sa kabanalan.
Pope’s Palm Sunday message
Nagpalabas ng mensahe si Pope Francis gamit ang makabagong teknolohiya ngayong Palm Sunday o hudyat na nagsimula na ang mga Mahal na Araw o Semana Santa.
Sa kanyang Instagram post, inihayag ng Santo Papa ang kanyang mensahe sa wikang Latin na nagsasabing nais niyang makibahagi sa paglalakbay ng lahat tungo sa awa at habag ng Diyos.
Samantala, dagsa naman ang mga Katoliko sa lahat ng simbahan sa buong bansa para magpabasbas ng kani-kanilang mga palaspas.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang Blessing of the Palms sa Manila Cathedral na sinundan naman ng isang banal na misa.
Ang Palm Sunday ang paggunita sa marangyang pagpasok ni Hesukristo sa banal na lungsod ng Herusalem kung saan, sinalubong siya ng mga Hudyo dala ang mga palaspas.
Ito rin ang hudyat ng kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay matapos ang ikatlong araw.
By Jaymark Dagala