Sinuportahan ng CBCP o Catholic Bishops Conference of the Philippines ang plano ni Environment Secretary Gina Lopez na magpatulong sa NPA o New People’s Army sa pagpapaunlad sa mga komunidad na may minahan.
Ayon kay CBCP National Secretariat for Social Action Fr. Edwin Gariguez, napakagandang hakbang nito para sa kapayapaan.
Kadalasan aniyang mahihirap ang biktima ng kawalang hustisyang pangkalikasan.
Mabuti rin aniyang na magbababa ng kanilang armas ang mga rebelde para protektahan ang kalikasan.
Plano ni Sec. Lopez welcome sa NDF
Welcome para sa NDF o National Democratic Front of the Philippines ang plano ni environment Secretary Gina Lopez na nakaagapay ang mga rebeldeng NPA sa pagpapaunlad sa mining communities sa Agusan del Sur Province.
Ayon kay CPP Founding Chairman Jose Maria Sison, kinakailangang ilatag ni Lopez sa pamunuan ng NDF upang lubos na maunawaan at maisakatuparan ang naturang plano
Kaugnay nito, inimbitahan ni Sison ang kalihim na maging bahagi sa ika-5 usapang pangkapayapaan na gaganapin sa The Netherlands sa May 26 hanggang June 2.
Una nang tinukoy ni Lopez ang kanyang planong pakikipagtulungan sa mga rebelde para sa proyektong E3 o Ecological, Economic at Educational Project na unang gagawin sa Agusan del Sur.
By Rianne Briones