Halos 50 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang bigo ang Pangulong Noynoy Aquino na labanan ang korupsyon.
Batay ito sa isinagawang survey ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ikalawang quarter ng taong ito.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, patunay ito na laganap pa rin ang korupsyon sa bansa sa lahat ng sangay mula sa Pangulo.
Gayunman, inihayag naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na mas mayroong resulta ang kampanya kontra korupsyon ng Aquino government kumpara sa mga nakalipas na administrasyon.
Palasyo
Kaugnay nito, kinontra ng Malacañang ang survey result na 46% ng mga Pilipino ang naniniwalang bigo ang kampanya kontra korupsyon ng gobyernong Aquino.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, dapat tingnan ang survey ng SWS na 42% ang kuntento sa performance ng Aquino administration laban sa katiwalian.
Sinabi ni Coloma na malinaw na patunay ng tagumpay ng kamnpanya ang pagpapakulong ng mga dating opisyal ng nakalipas na administrasyon.
Dapat din aniyang tingnan ang Corruption Perception Index ng Transparency International kung saan tumaas ng 20 puwesto ang Pilipinas na ngayo’y nasa 85 mula sa dating 105 na puwesto.
By Judith Larino | Aileen Taliping (Patrol 23)