Nagpalabas ng isang circular ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) upang humingi ng panalangin para kay dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ito’y matapos magpositibo sa COVID-19 ang kardinal pagdating nito sa Pilipinas mula sa Roma para sa kaniyang taunang summer break.
Ayon kay CBCP Acting President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, bagama’t asymptomatic ay nanatili naman sa isolation facility si Tagle bilang pagsunod sa health protocols.
Nabatid na una nang sumailalim sa COVID-19 test si Tagle noong Setyembre 7 bago umalis ng Roma kaya ito pinayagang makabiyahe at nagpositibo na sa virus pagdating nito sa Pilipinas.
Sa panayam naman ng DWIZ kay Fr. Jerome Secillano, Exec/Sec. ng CBCP Public Affairs Committee na bagama’t wala silang eksaktong datos kung ilang pari na ang tinamaan ng COVID-19, aabot naman sa lima ang dinapuan nito sa panig ng mga Obispo.
Sa pari wala tayong datos pero sa mga Obispo sabi ni acting President of the CBCP Bishop Virgilio David meron ng 5 na nagpositibo: Archbishop Cruz, Bishop Manuel Sobreviñas, yung dalawang ito namayapa na tapos si Bishop Broderick Pabillo last July, and then sumunod sa kanya si Bishop Yñiguez, ating Obispo ng Caloocan nag-survive naman at negative na sila at panglima ito nga si Cardinal Tagle, ” ani Secilliano. — panayam mula sa Balitang 882.