Labing tatlo lamang sa mahigit 200 mga CCTV cameras ang gumagana sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ang nabunyag ngayon sa pagdinig ng House Committee on Good Government sa pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa umano’y panunuhol ng negosyanteng si Wang Bo sa mga miyembro ng Kamara.
Ang pag-amin ay ginawa mismo ng CCTV Chief Security ng Kamara na si Samuel Pagdagani kung saan, sinabi nitong 256 sa mga CCTV camera ng Kamara ang palyado, luma at hindi na mapakinabangan.
Magugunitang ibinunyag ni National Press Club President Benny Antiporda na ang mga palyadong CCTV camera ng kamara ang dahilan kaya’t walang ebidensyang makapagpapatunay ng nangyaring suhulan umano.
Dahil dito, nagpahayag ng pangamba sina 1bap Partylist Rep. Silvestre Bello III, Las Piñas Rep. Mark Villar at Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil dahil sa posibleng malagay sa alanganin ang seguridad ng mga mambabatas at kawani ng mababang kapulungan.
By Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)