Ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ng DOJ o Department of Justice na magtalaga ng Special Courts sa labas ng Mindanao para maglitis sa mga kasong ihahain laban sa mga nasa likod ng pag-atake sa Marawi City.
Sa isinagawang En Banc Session ng high tribunal kahapon, nagpasya ang mga mahistrado na ang mga hukuman sa Cagayan de Oro City ang siyang maglilitis at hahatol sa mga masasampahan ng kaso kaugnay sa Marawi take -over.
Mahigpit ang tagubilin ng Supreme Court sa mga hukuman sa Cagayan de Oro na bilisan ang paglilitis sa mga kaso at dapat tumalima sa revised guidelines on continuous trial at iba pang resolusyon ng sc.
Kabilang na rito ang conditional examination sa mga testigo, deposition at pagpapalawig sa pre-trial gayundin ang pagtalima sa judicial affidavit rule.
Kaugnay dito, pinatitiyak ng Korte Suprema ang seguridad sa mga hukuman sa Cagayan de Oro City na siyang naatasang maglitis sa mga kasong ihahain sa mga nasa likod ng pagkubkob sa Marawi City.
Inatasan ng mga mahistrado si Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez na makipag-ugnayan sa 4th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro hinggil dito.
Kabilang sa mga pinase-secure ng high tribunal ang mga court personnel, prosecutor, abogado maging ng mga akusado sa kaso.
Nais ding matiyak ng sc ang seguridad ng mga detention facilities ng mga akusado na ilalagay sa loob ng Camp Evangelista ngunit isasailalim sa kapangyarihan at kontrol ng Cagayan de Oro RTC.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo