Nakapagtala ng tatlong local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang lungsod ng Cagayan De Oro sa Misamis Oriental.
Ayon sa Cagayan De Oro City Health Office kabilang sa mga ito ang isang 69-anyos na lalaki mula Barangay Camamanan, 21-anyos na lalaki mula Barangay Lumbia at isang 61-anyos na babae mula Barangay Carmen.
Anila, pawang walang travel history sa Metro Manila, ibang probinsiya o sa labas ng bansa ang tatlong nabanggit na pasyente.
Gayunman, hindi pa matukoy ng lokal na pamahalaan kung kanino nahawa ang tatlo.
Dahil dito, nagpadala na ng sulat si Misamis Oriental Governor Yevgeny Emano kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Inter-Agency Task Force (IATF) para hilinging maisailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong probinsya.
Sa kanyang liham, sinabi ni Emano na nangangamba siya sa posibilidad na kumalat pa ang COVID-19 sa buong Misamis Oriental, kasunod na rin ng naitalang kumpirmadong kaso sa Cagayan De Oro City –na sentro ng lalawigan.