Walang bisa dahil labag sa batas ang cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS-CBN.
Opinyon ito ni Atty. Rodolfo Salalima, ang unang kalihim ng Department of Information Communications Technology (DICT) ng Duterte administration.
Sa kanyang facebook post, sinabi ni Salalima na nilabag ng NTC ang right to due process ng ABS-CBN na ginagarantiyahan ng konstitusyon nang hindi sila mapagsabihan at dininig kung mayroon reklamo laban sa kanilang operasyon.
Dapat anya ay nabigyan man lang ng notification at show cause order ang ABS-CBN upang marinig ang kanilang panig kung mayroon mang naghain ng reklamo laban sa kanila.
Ipinaliwanag rin Salalima na maaari pa ring mag operate ang ABS-CBN kahit napaso na ang kanilang franchise.
Bagamat isang pribilehiyo anya ang prangkisa na ipinagkakaloob ng estado, nagiging vested constitutional property right anya ito dahil sa laki ng resources na nakataya sa ABS-CBN tulad ng kanilang imprastraktura at mga empleyado.
Idagdag pa anya na para sa pampublikong interes ang operasyon ng ABS-CBN dahil sa kanilang public service.