Hahayaan na lamang ng pamahalaan na lumabas ang tunay na kulay ng CPP-NPA at NDF bilang mga traydor ng bayan.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kasunod ng isa pang tigil putukang paiiralin ng gobyerno sa mga komunista para sa pagpasok ng bagong taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tumutupad sa pangako ang pamahalaan dahil sa mayroon itong isang salita, hindi tulad aniya ng mga komunista na sige pa rin sa pag-atake kahit may umiiral na tigil putukan.
Muling iiral ang ceasefire ng gobyerno mula ala- 6:00 ng gabi ng Disyembre 30 hanggang sa Enero 2 ng susunod na taon, ganap na alas 11:59 ng gabi.
Magugunitang inatake ng mga rebelde ang isang army detachment at tangkaing dukutin ang isang cafgu sa Tarragona, Davao Oriental noong mismong araw ng pasko.