Kakasuhan ng lokal na pamahalaan ng Cebu City si dating mayor Tommy Osmeña matapos nitong hubaran at ipabakbak ang tiles sa sahig ng binakante nitong opisina sa city hall sa pagtatapos ng kanyang termino.
Ito, ayon kay Interior and Local Government Spokesman Usec. Jonathan Malaya ang ipinabatid sa kanila ni Cebu City Legal Office Chief Atty. Stephanie Claros.
Inihahanda na aniya nina Claros ang isasampang kasong may kinalaman sa paglabag sa Section 3 ng Republic Act Number 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act laban kay Osmeña sa tanggapan ng Ombudsman.
Sinabi ni Malaya, bukod kay Osmeña kakasuhan din ang dating personal ssistant nito na si Raymund Paul Climaco Taboada, Department of General Services Head Ronald Malacora, City Planning Development Office Personnels Cindy Montermoso at Jim Paul Saavedra gayundin ang 32 empleyado ng Dakay Construction at Development Corporation.
Samantala, pinag-aaralan naman ng DILG ang posibleng kasong administratibo na kanilang isasampa laban kay Osmeña.