Pinababantayan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Archie Gamboa ang kalagayan ng kalusugan ng mga pulis sa Cebu City.
Ito ay dahil sa mabilis na pagdami ng bilang ng mga pulis na namamatay at nagkakasakit sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Gamboa, tatlo sa walong pulis na naitala nilang nasawi dahil sa COVID-19 ay pawang mga nagmula sa Cebu.
Minsan na rin aniya silang nakapagtala ng 10 nagpositibo sa virus sa loob lang ng isang araw.
Sa ngayon, mayroon nang 122 pulis ang nagpositibo sa COVID-19 sa Cebu City.
Ito ang dahilan ayon kay Gamboa kaya’t pinamamadali niya ang pagtatayo ng sariling COVID-19 testing facility ang PNP sa Central Visayas partikular na sa Cebu.