Binigyan ng palugit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang provincial government ng Cebu ng hanggang Linggo, June 19 para baguhin ang ordinansa kaugnay sa opsyonal ng pagsusuot ng face mask sa labas ng bahay.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nais ng departamento na malutas ang isyu na nakapaloob sa Executive Order No. 16.
Matatandaang, nitong Martes ay nagpasa ang Cebu provincial board ng ordinansa ukol sa optional wearing ng face masks sa naturang lalawigan.
Hindi naman nito binanggit kung ano ang magiging kaparusahan na naghihintay sa provincial government kung paninindigan nito ang ordinansa.
Gayunman, sinabi ni Año, na maging ang pamahalaan ay hindi kinikilala ang naturang ordinansa.
Mananatili aniyang mandatory pa rin ang pagsusuot ng face mask sa mga public spaces.