Isinailalim na sa state of preparedness ang lalawigan ng Cebu kontra 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Kasunod na rin ito ng pulong nina Cebu Governor Gwendolyn Garcia, Department of health (DOH)-Central Visayas at iba pang local officials na bumubuo sa provincial board, para magamit na ang disaster fund kontra sa nasabing virus.
Nasa halos P221-milyon ang disaster funds ng lalawigan ng Cebu sa taong ito kung saan –30% ay para sa quick response fund na ginagamit sa deklarasyon ng state of calamity, at 70% naman ay nakalaan para sa preparedness, prevention and rehabilitation.
Bahagi ng pondo ay gagamitin sa 14-day quarantine para sa mga Pilipino at mayroong valid permanent residence visa na magmumula sa Mainland China, Hong Kong at Macau bilang tugon sa idineklarang ban ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang tinukoy ng DOH-Central Visayas ang mga pasilidad na magsisilbing quarantine facilities tulad ng Eversley Child’s Sanitarium and General Hospital sa Barangay Jagobiao sa Mandaue City; Women Development Center sa Lahug, Cebu City at Drug Dependents Rehabilitation Center sa bayan ng Pinamungajan.