Ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang mga lungsod ng Cebu at mandaue habang anim pang mga lugar sa bansa ang isinailalim na rin sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Batay sa ipinalabas na resolution number 37 ng Inter-Agency Task Force (IATF), kanilang inaprubahan ang pananatili muli sa ilalim ng ECQ ang Cebu City at Mandaue City mula ngayong araw Mayo 16 hanggang 31.
Nangangahulugan ito ng pagkakaroon pa rin ng mahigpit na quarantine protocol sa nabanggit na dalawang lungsod kung saan mananatiling sarado ang ilang mga industriya doon maliban sa mga manufacturing at processing ng mga essential goods.
Samantala, maliban sa Metro Manila at Laguna, inilagay na rin sa modified ECQ ang Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales at Angeles City simula rin ngayong araw.
Magugunitang una nang isinailalim sa general community quarantine (GCQ) ang nabanggit na anim na lugar.
Ang pasiya ng IATF ay kasunod na rin ng inihaing apela ng mga local government units (LGU).
BASAHIN: IATF Resolution na nagdedeklara sa Cebu City at Mandaue City na isailalim sa ECQ, habang ang Angeles City, Bataan, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Zambales naman ay isasailalim sa MECQ hanggang Mayo 31. pic.twitter.com/Mf2gQb84eF
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) May 15, 2020