Walang direktang flight patungo ng Wuhan City sa China at pabalik ng Pilipinas ang Cebu Pacific at Air Asia Philippines.
Ito ang paglilinaw ng dalawang airline company sa gitna na rin ng mga pangamba hinggil novel corona virus o NCov na sinasabing nagmula sa Wuhan City.
Sa kabila nito, kapwa tiniyak ng Cebu Pacific at Air Asia na may mga ipinatutupad na silang mga security measures bilang paghahanda at mapigilan ang posibleng pagpasok sa Pilipinas ng NCov.
Ayon kay Cebu Pacific Spokesperson Charo Lagamon, may mga sinusunod silang protocol, oras na makitaan ng sintomas ng NCov ang kanilang pasahero.
Agad aniyang ia-isolate ang isang pasaherong nakitaan ng sakit habang nakasakay pa sa kanilang eroplano.
Una nang nagpalabas ng abiso ang Bureau Quarantine at World Health Organization (WHO) ng mga dapat na ugaliing gawin ng mga pasahero.