Tiniyak ng Cebu Pacific ang ikinakasang precautionary measures matapos ang report na bumiyahe mula Hongkong patungong Pilipinas ang pamilya ng isang lalaking Chinese na nag positibo sa bagong strain ng coronavirus.
Batay sa report, sakay ng Cebu Pacific Flight 5J 111 (Hongkong to Manila) ang apat na pasahero na dumating sa bansa kahapon, Enero 22.
Sinabi ni Cebu Pacific spokesperson Charo Logarta-Lagamon na pagdating ng eroplano ay kaagad isinailalim sa pagsusuri ng Bureau of Quarantine ang mga crew ng nasabing flight at wala namang nakitaan ng sintomas ng trangkaso ang mga ito.
Nakikipag ugnayan na rin aniya ang Cebu Pacific sa Hongkong authorities para ma-verify kung totoong apat na Chinese na bumiyahe papuntang pilipinas ay pamilya ng lalaking nag positibo sa SARS-like virus.
Bilang precautionary measure, pinayuhan ng Cebu Pacific ang lahat ng mga pasaherong sakay ng Flight 5J 111 kahapon na kaagad magpatingin sa doktor kung makakaranas ng mga sintomas ng flu tulad ng sipon, ubo, pamamaga ng lalamunan, o lagnat.
Nagsagawa na rin ng disinfection sa eroplanong sinakyan ng Chinese family —ulat mula kay Raoul Esperas (Patrol 45).