Pinadadagdagan ni House Deputy Speaker Prospero Pichay sa Department of Information and Communication (DICT) ang cell sites.
Sinabi ni Pichay sa pagdinig ng 2019 budget ng DICT na kulang na kulang ang cell sites lalo na ang mga highly populated areas.
Tinukoy ni Pichay na ang kakulangan sa cell sites ang dahilan ng mga problema ng mga subscriber tulad ng drop calls, mabagal na internet service, delayed text messages at pangit na signal.
Mula sa 30,000 cell sites, pinadodoble ito sa 60,000 cellsites sa buong bansa at ipinalalagay ito sa mga lugar na may malalaking bilang ng populasyon tulad sa Metro Manila, Davao City, Cebu at Cagayan De Oro.
Nagbiro pa si Pichay na mabuti na lamang at hindi marunong gumamit ng Android ang pangulo dahil kung hindi tiyak na dadagsaain ng tawag at sermon mula sa pangulo ang DICT.
Inamin naman ni DICT Secretary Eliseo Rio na malaki talaga ang pangangailangan para sa dagdag na cell sites upang matugunan ang matagal na problema ng mga telco.