Naitala ng Department of Health (DOH) Region 12 ang kauna-unahang person under investigation (PUI) dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD) sa Central Mindanao.
Ayon kay DOH 12 Health Education and Promotion Officer Arjohn Gangoso, nakitaan ng mala-trangkasong sintomas tulad ng lagnat, ubo, at sore throat ang pasyente na sinabing bumiyahe sa bansang may mga kumpirmadong kaso ng nCoV.
Sinabi ni Gangoso, sa ngayon ay isinailalim na sa isolation ang PUI sa isang ospital sa Region 12.
Nakuhanan na rin aniya ng specimen ang pasyente at agad nang ipinadala sa Research Institue for Tropical Medicine para sa confirmatory test.
Dagdag ni Gangoso, habang hinihintay pa nila ang resulta ng test mula sa RITM, mahigpit na nilang ipinatutupad ang mga hakbang para mapigilan ang posibilidad na pagkalat ng nabanggit na virus sa Region 12.
Kasabay nito, hinimok ng DOH 12 ang kanilang mga nasasakupan na manatiling kalmado, ugaliin ang paghuhugas ng kamay, wastong etiquette tuwing uubo o babahing, umiwas sa matataong lugar, at sa mga taong nagtataglay ng mga sintomas ng trangkaso.