Isang malaking karangalan para kay Centro Escolar University o CEU big man Rodrigue Ebondo ang maging bahagi ng Gilas Pilipinas.
Ito’y makaraang hugutin si Ebondo ni head coach Chot Reyes para maging bahagi ng national team na sasabak sa FIBA Asia Champions Cup sakaling hindi puwedeng lumaro si Bright Akhuetie.
Nagkasama na rin sina Ebondo, Akhuetie, Isaiah Austin at iba pang bagong atleta sa paghahanda ng koponan sa nalalapit na torneo.
Si Akhuetie ay kapapasok pa lamang sa University of the Philippines kaya’t posibleng makompromiso ang pagiging bahagi nito ng Fighting Maroons kapag natuloy ito sa Gilas.
Nangako naman si Ebondo na gagawin niya ang lahat upang matulungan ang pambansang koponan sa kanilang pagsabak sa FIBA event na gaganapin mula Setyembre 22 hanggang 30 sa Chenzhou, China.
—-