Mananatiling tutol sa muling pagbuhay ng death penalty si dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.
Ito ang kinumpirma ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza.
Sa panayam ng programang “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Atienza na nakausap niya ng personal si CGMA at sinabi nitong hindi magbabago ang isip sa isyu ng death penalty kahit pa tanggalan ng posisyon sa Kamara.
“Kontra talaga si Congresswoman Gloria Arroyo, hindi daw magbabago ang isip niya, nirerespeto niya ang buhay ng bawat nilalang. Sabi ko sa kanya tatanggalin ka daw bilang Deputy Speaker, at ang sagot niya: They can do what they want but I will not change my decision, hindi mabuti yan (death penalty) at yan ay makasasama.” Pahayag ni Atienza.
Idinagdag din ni Atienza na tanggap niya sakaling magkaroon man ng ‘restructuring’ sa Kamara dahil sa mga hindi pumapabor sa death penalty, aniya normal na nangyayari iyon.
“Kung talagang magkaka-restructuring, anong magagawa natin? It always happens. Pero hindi sila nakakasigurado na after ng restructuring ay sila pa rin ang nasa taas.” Dagdag ni Atienza.
Samantala, buo pa rin ang tiwala ni Atienza na hindi susuportahan ng taongbayan ang parusang kamatayan kahit pa matapos ang debate dito.
“Sabi nila next week tatapusin na nila ang debate, sabi ko gawin ninyo ang gusto niyong gawin, huwag niyong pagsalitain ang lahat pero nagbabantay ang taumbayan, eventually dadating ito sa kanila, maraming nagbabantay tignan natin kung susuportahan nila ito.” Ani Atienza
By Aiza Rendon | Balitang Todong Lakas (Interview)