Hindi ngayon ang tamang panahon para sa charter change (Cha-Cha).
Ito ang paniniwala ni dating Supreme Court Justice Vicente Mendoza.
Sa pagdinig ng senate committee on constitutional amendments revision of codes and laws, sinabi ni Mendoza na dapat ma-focus ang ating enerhiya at resources sa pagharap sa dalawang napakahalagang bagay o hamon.
Una, pagtugon sa hamon na hatid ng banta ng COVID-19 at pangalawa paghahanda sa 2022 national at local elections para masiguro ang pagkakaroon ng good governance sa bansa.
Giit ni Mendoza, unahin munang tutukan ang mga ito at susunod na dito ang hakbangin tungo sa pagbangon ng ating ekonomya.
Mahalaga anyang unahin ang pagtugon sa COVID-19 pandemic kung saan 10,000 na sa ating mga kababayan ang nasawi dahil sa virus pero wala pa anyang malinaw na iskedyul para sa vaccine roll out.
Importante din anya na mabigyang edukasyon ang mga botante ukol sa matalinong pagboto at makapaghanda para masiguro ang malinis na halalan.
Bahagi anya ito ng patriotism at mahalagang maibalik ang patriotism o pagiging makabayan bago natin pag isipan ang Cha-Cha. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)