Masyado pang maaga para talakayin ang pag-amiyenda sa saligang batas at ang posibleng pagpapaliban ng 2019 mid term elections.
Iyan ang paniniwala ni Vice President Leni Robredo sa harap na rin ng iba’t ibang mga usaping bumabalot sa bansa na mas nangangailangan ng pagtutok mula sa administrasyon.
Ayon sa pangalawang pangulo, pananagutan ng gobyerno na matugunan ang mga usapin tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho at pagtaas ng presyo ng mga bilihin bago atupagin ang pagpapalit ng konstitusyon.
Kailangan din aniyang aksyunan ng administrasyon ang sunud-sunod na patayan sa mga lokal na opisyal gayundin ang usapin ng karapatang pantao sa harap ng kaliwa’t kanang operasyon ng pulisya kontra sa mga tambay.