Kumpiyansa si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na darami pa ang listahan ng mga kakasuhang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito’y sa sandaling matapos na aniya ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa kaliwa’t kanang katiwalian sa nasabing ahensya.
Sa panayam ng DWIZ kay Sotto, sinabi nito na kanilang sisikaping maipasok sa board of directors ng PhilHealth ang chairman ng Insurance Commission.
Una nang isinulong ni Sotto na gawing chairman of the board ng PhilHealth si Finance Sec. Carlos Dominguez subalit tumanggi ito.
Sagot ata ni Sec. Dominguez is ‘pass’, kapag pinasa namin yun may magagawa ba siya, um-oo ang Presidente ganun talaga. Meron na nga pala kaming idadagdag, suggestion ni Sen. Drilon magbabawas kami sa 11 member ng board hahanap kami ng isa dun na hindi masyadong mahalaga ipapalit namin yung Chairman ng Insurance Commission,” ani Sotto.
Sakaling makalusot na ang isinusulong nilang panukala na gawing chairman ng PhilHealth ang finance chief, idinagdag ni Sotto na aamiyendahan din nila ang batas na sumasaklaw dito para bigyang kapangyarihan na makaboto sa mahahalagang desisyon.
Hindi ko alam kung panahon ko yung nailagay ‘yon, nung ako’y nandyan sa Senado pero dinadamay ko na yung sarili ko. Isipin mo nailagay namin non-voting yung chairman? Kailan nangyari yun, 13 sila o 11 ba sila? Kaya nga odd number ‘yon para kapag may tie yung chairman yung magbe-break ng tie, bakit nilagay ninyong non-voting?,” ani Sotto. — panayam mula sa Usapang Senado.