Lantarang hinamon ni Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya ng “charity war” si Mayor Vico Sotto kung hindi aniya handa ang alkalde sa isang “peace covenant.”
Nabatid na isang press statement ang ipinalabas ni Discaya na nakasaad ang umano’y pagkadismaya sa naging tugon ng alkalde sa alok ng kanilang pamilya na kasunduan para sa mapayapang pangangampanya at halalan sa Mayo 2025.
Ang nakalulungkot aniyang sagot sa media ni Sotto ay lihis sa inaasahang asal sa isang lingkod-bayan na dapat siyang pasimuno sa pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan sa kanyang nasasakupan.
Iginiit ni Discaya na sa “charity war” ay ang mamamayan ng Pasig ang makikinabang sapagka’t sinasabing ang unang bahagi nito ay ang tanggapin dapat ni Mayor Sotto ang naunang alok ng kanilang pamilya na sila ang gagawa ng detailed engineering design para sa controversial na P9.62 bilyong new City Hall complex, na ayon sa planong inaprubahan ng alkalde ay babayaran mula sa buwis ng mamamayan ng mahigit P855 milyon.
“Pero bilang ‘act of charity’ ay ido-donate namin ang nasabing P855 milyon para sa pagpapagawa ng bagong ospital na kumpleto sa medical facilities at mga gamot.
Ang hinihiling ni Discaya na sagot ni Mayor Sotto sa “charity war” ay ang pagpapaliban muna ng alkalde ng apat o limang taon sa procurement ng P1.3 bilyong Information Technology Systems na ilalagay sa ipinatatayong bagong city hall.
Bukod dito, idinagdag ng mayoralty aspirant na hindi tamang paggasta ng pera ng taumbayan ang agarang pagbili ng mahigit bilyon-pisong IT Systems kung ang installation at gamit naman nito ay kapag natapos na ang construction ng mga bagong gusali ng city hall na iyon ay tinatayang sa 2029 pa.