Iniimbestigahan na ng MPD o Manila Police District ang kumakalat na mga screengrabs ng hinihinalang usapan sa chat ng ilang miyembro ng Aegis Juris Fraternity sa social media.
Kasunod ito ng pagpo-post ng isang Facebook page na may pangalang ‘Hustisya Para Kay Horacio’ ng mga screengrabs ng group chat messages ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity mula umano sa hindi kilalang netizen.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, maituturing pang impormal ang nasabing impormasyon pero kanila na ring beniberipika at inaalam ang katotohan sa nasabing chat messages.
Sa nasabing kumakalat na chat messages, mababasa ang pag-uusap sa pagitan ng isang Arvin at Jay-ar kaugnay sa gagawin umanong “FR ng mga neo” na sinasabing major activity ng fraternity.
Makikita rin ang mensahe mula sa isang Axel dakong alas-9:00 noong linggo na nagsabing may emergency at humihingi ng number ni Popoy na sinundan ng mensahe mula kay Arvin na nag-uutos ng paged-deactivate ng account, pagbubura ng mensahe at hindi pagsasalita ng lahat.
Sinagot naman ito ni Popoy na hindi siya maaaring mag-deactivate dahil naiwan aniya siya sa ospital.
Sa kasalukuyan ay tatlo na ang itinuturing na suspek ng MPD na kinilalang sina John Paul Solano, Ralph at Antonio Trangia.
—-