Duda ang BURI o Busan Universal Rail Incorporated, maintenance provider ng MRT-3 sa motibo ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez sa anila’y tila tuloy-tuloy na paninira sa kanila.
Ayon kay Atty. Charles Mercado, abogado ng BURI, posibleng may mga itinutulak na bagong maintenance provider ng MRT-3 si Chavez kaya’t nais nitong maputol na ang kanilang kontrata sa Department of Transportation o DOTr.
Nagtataka rin aniya sila kung bakit tila inaalarma ni Chavez ang publiko sa pamamagitan ng pagbibigay lamang ng kabuuang bilang ng pagpalya ng MRT-3 gayung kung ikukumpara noong 2015, napababa na ito ng Busan ng 17 percent.
Binigyang diin ni Mercado na kahit na sinong maintenance provider ang ilagay para sa MRT-3 ay sasablay pa rin ito hanggat hindi napapalitan ang depektibo nang riles.
“Kung may lumabas na glitch, to investigate, to report at to recommend, wala sa kontrata namin to make them disappear, pero dahil ginagawa natin ng maayos ang trabaho natin, nababawasan kaya nagtataka kami, may pinagtatakpan ata si Usec. Chavez, for example sinabi mo rin yung riles, noong nag-assume kami nung 2016, ininspect namin yung system, ang sabi namin napakasama na po ng kondisyon ng riles.” Ani Mercado
Iginiit ni Mercado na wala sa kanilang kontrata na dapat silang hndi bayaran o dapat silang parusahan sakaling magkaroon ng aberya ang MRT-3.
Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi tama ang ginawa ni Chavez na ipitin ang kabayaran sa kanilang serbisyo na sa ngayon ay pumapalo na sa 176 million pesos.
Una nang kinasuhan ng BURI si Chavez at dalawang iba pa sa Office of the Ombudsman.
“Sila yung gumawa ng liable act that caused the unlawful injury sa BURI, nagsabwatan sila para hindi kami mabayaran, parang may mine-mention si Usec. Chavez na may mga options na kadalasan mine-mention niya Sumitomo, ngayon lately sinasama niya pati yung NPIC proposal, papalitan daw kami, ang mas madalas na sinasabi niya ay ang Sumitomo, sabi namin eh yan nga yung maraming nag-cause ng design flaws eh.” Pahayag ni Mercado
(Ratsada Balita Interview)