Paiigtingin pa ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang inilatag na checkpoint sa paligid ng Tagaytay City maging sa mga hangganan ng lalawigan ng Cavite.
Ito’y kasunod na rin ng pagbubukas muli ng lungsod sa mga turista ngayong nakapailalim na sila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Task Force COVID-19 Shield Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, layon nito na mapanatiling ligtas ang mga tutungo sa Tagaytay City mula sa banta ng COVID-19.
Kasunod nito, nilinaw ni Eleazar na mananatili rin ang kanilang pagbabantay sa lahat ng boarder ng iba’t ibang mga lalawigan kahit pa nakapailalim ang mga ito sa MGCQ o walang community quarantine na nakataas.
Nabibigyan ng opportunity through travel authority na yung gustong pumunta dun kailangan muna na may koordinasyon. Napakahalaga kasi yun na malalaman ng pupuntahan, itong gustong pumunta dun at they have a say kung ide-delay nila o kung hindi ka tatanggapin kung meron pa silang pino-process na mga galing doon because of that ang mga checkpoint natin mostly, mga provincial border para ma-check siya but it doesn’t prevent. The unit commanders ng mga lungsod at mga bayan na mag-conduct pa din sila sa kanilang mga boundary nitong mga munisipyo at city or even sa loob at ‘yan naman ay ginagawa din sa ibang mga lugar,” ani Eleazar.
Kasunod nito, muling umapela si Eleazar ng pakikiisa mula sa publiko upang tuluyan nang maibalik paunti-unti sa pre-pandemic normal ang pamumuhay ng mga Pilipino lalo na sa Metro Manila.
Lahat tayo ay excited na lumabas na kaya lang syempre hindi natin pwede i-sacrifice yung health protocol and accordingly nga kapag GCQ ka ay talagang meron pa ring restriction. Pagsumikapan natin na talagang ma-control ang pagdami ng virus para itong Metro Manila ay maibaba na sa MGCQ, kapag ganun na pwede na tayong pumunta ng Tagaytay na walang travel authority,” ani Eleazar. — panayam mula sa Balitang 882.