Mananatili ang mga inilatag na checkpoints ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t-ibang panig ng bansa, nasa ilalim man ito ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ o general community quarantine (GCQ).
Alinsunod ito sa kautusan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa PNP.
Ayon kay Año, nagpapatuloy pa rin ang pangkalahatang patakaran na “stay at home” o pananatili sa loob ng tahanan.
Maliban na lamang aniya ito kung kinakailangan nang mamili ng mga pangangailangan o pumasok sa trabaho na nasa ilalim ng industriyang pinapayagan nang mag-operate.
Sinabi ni Año, hindi nangangahulugang magiging maluwag na ang PNP sa pagpapatupad na batas dahil sa inaasahang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan matapos na pahintulutan ang pagbubukas ng ilang industriya.
Dagdag ni Año, maaari pa ring ipatupad ng mga LGU’s ang kanilang mga police power para sa patuloy na implementasyon ng curfew sa kani-kanilang mga nasasakupan.