Nagpulong na ang Pambansang Pulisya at ang Commission on Higher Education (CHED) kaugnay sa umano’y red tagging ng militar sa ilang pamantasan sa Metro Manila.
Kabilang sa mga nagpulong sina CHED Commissioner Prospero De Vera, PNP Spokesman Chief Supt. Benigno Durana at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar.
Ayon kay Eleazar, kokonsultahin aniya ni De Vera ang pamunuan ng mga pamantasan hindi lamang sa Metro Manila kung hindi sa buong bansa upang ikasa ang isang dayalogo sa pagitan nila at ng pulisya.
Target ng Philippine National Police (PNP) na makaharap ang presidente ng iba’t ibang unibersidad sa bansa.
Una rito, umalma ang ilang miyembro ng academe sa naging paratang ng AFP sa 18 kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila na napasok umano ng NPA para makapagdagdag ng kanilang puwersa.
Ayon kay Dr. Mike Pante ng Ateneo De Manila University, nakababahala ang hakbang na ito ng AFP dahil malinaw ang naisin nitong patahimikin ang mga tumutuligsa sa kasalukuyang administrasyon.
Tila binubuhay lamang aniya ng militar ang istratehiya ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos na bansagang pugad ng aktibismo ang mga pamantasan na siyang ginamit na batayan para ibagsak ang batas militar sa buong bansa.
Mga pamantasang kabilang sa Red tagging ng AFP, paaalalahanan ng CHED
Posibleng tawagan ng pansin ng CHED ang mga paaralang nakabilang sa listahan ng AFP na breeding ground ng NPA.
Ayon kay CHED Commissioner Ronald Adamat ay para paalalahanan ang mga pamantasang nabanggit ng mga implikasyon ng panghihikayat ng NPA sa kanilang mga mag-aaral.
Wala namang masama sa ginagawa ng mga mag-aaral at guro na maghayag ng kanilang saloobin gayundin ng kanilang mga sentimiyento laban sa administrasyon basta’t ito’y naaayon pa rin sa umiiral na mga batas.
Matatandaang sinabi ni CHED-OIC Commissioner Prospero De Vera na under threat sa mga komunista at extremist ang lahat ng pamahalaan sa buong mundo dahil sa nais nilang ipatupad ang sa tingin nila ay tama para sa kanila lamang.
—-