Bukas ang Commission on Higher Education (CHED) sa panukala ng Senado na isama sa curriculum ng mga estudyante sa kolehiyo ang birth control.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, hahanapan nila ng subject kung saan maaaring maisama ang mga leksyon sa paggamit ng mga birth controls sakaling pumasa ang panukala.
Sinabi ni De Vera, pag-aaralan nila ang kasalukuyang structure ng curriculum para maipasok ito dahil hindi naman aniya maaaring magdagdag lamang ng bagong subject.
Magugunitang sa plenary session ng Senado, tinalakay ang panukalang batas na naglalayong ma-institutionalize ang isang polisiya para maiwasan ang teenage pregnancy.