Inirekumenda ng Commission on Higher Education (CHED) na i-adjust o ayusin ang academic calendar ng mga kolehiyo na pasok sa 14 kilometer radius ng nag-aalburutong Bulkang Taal.
Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera, nananatili pa ring kanselado ang mga klase sa lalawigan ng Batangas gayung nagsimula na ang ikalawang semestre para sa school year 2019-2020.
Dahil dito, inamin ni De Vera na apektado ang graduation ng mga 4th year college student gayundin ang kanilang semester breaks.
Batay sa datos, mahigit 30,000 mag-aaral sa kolehiyo ang apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal dahil nasa loob ng permanent danger zone ang kanilang mga pinapasukang eskuwelahan.
Nasa apat na kolehiyo naman ang napinsala dahil sa mga bitak partikular mga bayan ng Lemery, Agoncillo at Taal habang patuloy pang inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala ng mga ito. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)