Kinalampag ng mga mag-aaral at kabataan ang CHED o Commission on Higher Education hinggil sa anila’y patuloy na pangongolekta ng matrikula at iba pang bayarin ng mga SUC’S o State Universities and Colleges.
Ito’y sa kabila ng pagsasabatas ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education na mas kilala bilang Free College Education Act kung saan, wala na dapat bayaran pa ang mga mag-aaral sa mga SUC’S sa buong bansa.
Hiling ng mga kabataan sa CHED, dapat na aksyunan nito ang patuloy na pagpapatupad ng taas singil sa matrikula at iba pang bayarin sa mga pampublikong unibersidad lalo’t nagbabadya na ring magtaas ng singil ang mga pribadong kolehiyo at pamantasan.
Giit ng mga naturang kabataan, nananatili pa rin anilang inutil ang CHED dahil hindi nito magawang pigilan ang mga pampublikong pamantasan at kolehiyo na sumingil ng matrikula kahit ito anila’y malinaw na ipinagbabawal ng batas.
Posted by: Robert Eugenio