Inatasan ng CHED o Commission on Higher Education ang mga SUC’s o State Universities and Colleges na magpatupad ng mahigpit na admission procedure sa mga mag-aaral na bibigyan ng subsidy ng gubyerno.
Ito ang inihayag ni CHED Commissioner Prospero de Vera kasunod ng pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni De Vera sa isinagawang press briefing sa Malakaniyang kahapon na hindi papayagan ang mga mag-aaral na naka-enroll na sa pribadong kolehiyo o pamantasan na lumipat pa sa mga SUC’s.
Maliban dito, bilang lamang din aniya ang mga mag-aaral na maaaring tanggapin ng mga SUC’s bilang bahagi ng polisiyang kanilang ipatutupad sa ilalim ng batas.
Nilinaw din ni De Vera na mayruon pang natitirang 8 Bilyong Pisong pondo mula sa kasalukuyang budget para tustusan ang government subsidy sa mga kuwalipikadong mag-aaral na makikinabang sa nasabing batas.