Iimbestigahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Bestlink College of the Philippines sa Quezon City.
Kasunod ito ng pagkamatay ng labing tatlong (13) mga estudyante nito matapos na sumalpok ang bus na sakay ng mga ito habang papunta sa field trip sa Tanay, Rizal.
Ayon kay CHED Office of the Student Development and Services Officer in Charge Director Engr. Ronaldo Liveta, batay sa inisyal na pagsisiyasat ay hindi nagpasabi ang naturang eskwelahan na mayroon itong aktibidad sa labas.
Aniya, kung mapapatunayan na nagkulang ang paaralan ay posibleng ipahinto ng CHED ang mga programa nito.
“Magco-conduct po tayo ng investigation para alamin ang lahat ng mga responsibilidad ng school kasama po sa pagre-report, ang inisyal na nabanggit parang wala pa pong record, supposed to be ang submission ng report ay 1 month pa bago ang start ng classes.” Pahayag ni Liveta
Gayunman, sinabi ni Liveta na hindi nila saklaw ang pagpapataw ng anumang parusa sa nasabing paaralan.
“Ang power po ng komisyon ay ipasara ang programa hindi po ang eskwelahan, ang nagpapasara ng eskwelahan ay juridical personality through SEC registration, kami po since kami nagbigay ng authorization sa programa kami din ang may karapatan na bawiin yun kapag yan ay hindi naaayon sa ating regulasyon.” Pahayag ni Liveta
Kasabay nito ay nakiramay ang CHED sa mga estudyanteng nasawi sa aksidente.
Aminado si Liveta na mayroon silang regulasyon lalo na kung ang mga estudyante ay mayroong educational activities sa labas ng paaralan.
Sinabi ni Liveta na ang NSTP o National Service Training Program ay bahagi ng community service ng mga estudyante.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Engineer Ronaldo Liveta ng CHED
Muling ipinaalala ng opisyal na bawal ang mga aktibidad na wala sa curriculum.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Engineer Ronaldo Liveta ng CHED
By Rianne Briones | Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)