Tinutulan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pahayag ng Professional Regulation Commission (PRC) na kakulangan sa istriktong erollment sa kolehiyo ng mga nagnanais maging guro ang dahilan ng mababang LET passing rate.
Tinutukoy na sanhi ni PRC Board for Professional Teachers Chairperson Dr. Rosita Navarro na kahit sino raw kasi ay tinatanggap na kuhain ang kursong edukasyon sa kolehiyo kahit pa 75 lamang ang average nito noong sekondarya.
Pagkwestyon pa ni Navarro , paano makapagtatapos na may mataas na grado sa exam ang isang graduate na may 75% lamang na high school average, ito ay agad namang ‘di sinang-ayunan ni CHED Chairperson Prospero De Vera III.
Ani De Vera di katanggap-tanggap ang ideyang ito ng PRC dahil naniniwala ang CHED na sa pagpasok ng estudyante sa kolehiyo kaya pa nitong mag-improve sa 4 na taon at sa pagsailalim nito sa teacher training program.
Paglilinaw ng CHED, ang mga estudyanteng nangangarap maging guro ay sumasailalim sa college entrance exam at di batayan ang kanilang grado sa sekondarya.
Dagdag pa ni De Vera marapat na magsagawa ng mabusising pag-aaral kaugnay sa mababang LET passing rate at ‘di lang basta-basta magsabi ng dahilan ng walang sapat na basehan. — sa panulat ni Agustina Nolasco