Napasakamay ni Filipino at United States Chess Master Almario Marlon Quiroz Bernardino Jr. ang gintong medalya sa katatapos lamang na 3rd Laos International Chess Open Championship 2024.
Bukod sa pagiging Chess Master, ang 47- taong gulang na manlalaro ay isa ring beteranong sports writer at radio commentator.
Sa ilalim ng gabay ni Coach FM Robert Suelo Jr. at sa buong suporta nina Mers Lodronio Suelo at ALC Group of Companies Chairman at CEO D. Edgard Cabangon, ipinamalas ng dating top player ng Rizal Technological University ang kanyang galing sa global stage.
Bago ito ay nagwagi rin si Bernardino sa 2nd edition ng IIEE-Bayanihan-Greenfield District Blitz Chess Tournament at sa open Rapid Chess Championship sa Arlington, USA noong 2005.
Nakuha ni Bernardino ang kanyang National Master title nang magtapos sa ika-7 pwesto sa 1998 SSS Asian Zonal Elimination round at sa kaparehong taon ang United States Chess Master title.
Nakatakda namang sumabak si Bernardino sa Singapore International Open sa November 29 hanggang December 5 gayundin sa 16th Penang Heritage City International Chess open sa December 23 hanggang 27 sa Penang, Malaysia