Ganon na lang ang pagkawindang ng fur parent ng chihuahua na si Tiny nang malaman na mayroong daga sa tulugan ng kaniyang mga alaga at si Tiny pa mismo ang nagdala rito.
Kung bakit iyon nagawa ni Tiny, eto.
Ang fur parent na si Erwin Estoque mula Cabanatuan, Nueva Ecija, ginulat ng kaniyang alaga na si Tiny dahil bigla na lang itong tila na-attach sa isang daga.
Nagtaka pa raw siya noong una kung bakit mayroong kasama na kulay itim na tuta si Tiny, at nang tingnan itong maigi ay napagtanto niya na hindi pala ito kabilang sa mga ipinanganak ng kaniyang aso kundi isa palang daga.
Sa isang pahayag, sinabi ni Erwin na mas masipag pa raw manghuli ng mga daga si Tiny kaysa sa alaga nilang pusa dahil ayaw na ayaw daw talaga nito sa mga daga.
Pero kakaiba ang mga ikinilos ni tiny nang subukang alisin ni Erwin ang daga sa loob ng kahon kung nasaan si tiny at ang kaniyang mga tuta.
Pumalag si Tiny at nagalit pa raw! Kung kaya naman kumuha na lang ng tongs si Erwin para ihiwalay ang daga mula sa kaniyang mga alaga.
Ipinaliwanag naman ng beterinaryo na si Dr. Sean Javier kung bakit ito nangyari sa aso.
Sinabi niya na hirap daw ang mga mommy dogs na matukoy kung sino ang kanilang mga baby, at baka rin daw palagiang bumibisita kina Tiny ang daga kung kaya naging kaamoy na ito ng mga tuta ay napagkamalan niya ito na isa sa kaniyang mga anak.
Samantala, mabuti na lamang at nagawang alisin ni Erwin ang daga kahit pa nagalit si Tiny dahil maaari raw pala itong magdulot ng iba’t ibang uri ng sakit katulad ng Leptospirosis at Rocky Mountain Spotted Fever.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung gulatin ka rin ng alaga mong hayop sa ganitong paraan?