Sisimulan na ngayong araw, Abril a-28 ng Department of Health (DOH) ang “Chikiting bakunation days” kasabay ng pagdiriwang ng world immunization week.
Magtutulungan ang Department of Health, World Health Organization at United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa paglulunsad ng naturang programa kung saan, layunin nitong mahikayat ang mga magulang na kumpletuhin ang bakuna ng kanilang mga anak.
Kabilang sa mga dapat na makumpleto ng kanilang mga anak ay ang mga bakuna kontra polio, measles, hepatitis b, pneumonia at iba pang vaccine preventable diseases.
Ayon sa DOH, target na mabakunahan ang nasa isang milyong mga bagong panganak na sanggol hanggang isang taong gulang sa isasagawang malawakang pagbabakuna tuwing huling linggo ng buwan ng Mayo hanggang Hunyo.
Target din na mabakunahan ang mahigit kalahating milyong batang may edad na labing tatlong buwan hanggang dalawang taon.
Sisimulan ang “chikiting bakunation days” sa Mayo a-26 at a-27 at sa Hunyo a-23 at a-24.
Samantala, hinimok din ng DOH na magpabakuna na ang adult population kabilang na ang mga buntis at immunocompromised. —sa panulat ni Angelica Doctolero