Nabuwag ng pinagsamang pwersa ng NBI, Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (IACAT), HSI Transnational Crime Investigative Unit (HSI-TCIU), at City Social Welfare and Development (CSWD) ang isang bahay na sentro ng Child Exploitation sa Pampanga.
Nagresulta ang naturang operasyon sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina Syrra Songco, Ma. Elaiza Songco, Haian Songco, Ailyn Flores Y Songco at Albert Flores at pagkakasagip sa pitong batang biktima.
Batay sa ulat ng NBI – Anti Violence Against Women and Children Division, nakatanggap sila ng lead ukol sa isang “Syrra” Songco” na nagbebenta ng pornographic materials ng mga menor de edad sa mga dayuhan.
Ito ay matapos aminin ng naarestong US Citizen na si Charles Wheat dahil sa produksyon ng Child Sexual Abuse Or Exploitation Materials (CSAEM) na nakatanggap ito ng materyales kapalit ng pera mula kay “Syrrana.”
Mababatid na ang pinakabatang biktima ay nasa walong buwang gulang pa lamang.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children; Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Cybercrime Prevention Act of 2012. —sa panulat ni Hannah Oledan