Hinimok ng Malacañang ang pamahalaan ng China na igalang ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague hinggil sa usapin ng South China Sea.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos namang sabihin ng tagapagsalita ng China na kabilang sa kanilang teritoryo ang Spratly Islands.
Binigyang diin ni Panelo, permanente at hindi na mababaligtad ang desisyon ng Arbitral Tribunal na nakabatay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at iba pang international law na kinikilala ng halos lahat ng mga bansa sa mundo.
Magugunitang sa nasabing ruling, pinawawalang bisa ang tinawag na 9-dash line ng China at ang pag-angkin nito sa buong South China Sea gayundin ang pagkilala sa soberanya ng Pilipinas sa mga lugar na nasa loob ng 200 nautical mile exclusive economic zone ng bansa.
Kasabay nito umaasa si Panelo na susundin ng China ang napagkasunduan sa mga bilateral negotiations sa Pilipinas para makabuo ng katanggap-tanggap na solusyon sa gusot sa South China Sea.
—-