Muling nilinaw ng China na iginagalang nila ang sovereign rights ng Pilipinas sa Benham Rise na deklaradong bahagi ng continental shelf nito.
Batay sa inilabas na pahayag ng Chinese Foreign Ministry, sinabi ng China na hindi nila hinahabol ang maritime rights sa nasabing teritoryo lalo’t malinaw naman na sakop ito ng Pilipinas.
Muling iginiit ng China na napadaan lamang ang kanilang survey ship sa Benham Rise at wala silang intensyong pag-aralan at tiktikan ang mga yamang nakabalot doon.
Kapwa nagsusumikap ang China at Pilipinas na mapaigting ang relasyon nito sa isa’t isa at binanggit na pinalaki lamang ang nasabing usapin.
Magugunitang mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nagbunyag sa presensya ng barko ng China sa Benham Rise na tatlong buwang nanatili doon.
No take zone
Hinimok ng Environmental Conservation Group na Oceana Philippines ang administrasyong Duterte na ideklarang no-take zone ang mababaw na bahagi ng Benham Rise.
Layon nitong mapangalagaan ang mga likas yamang abot kamay ng sinumang magtutungo sa bahaging iyon ng karatagan na dapat ay Pilipinas lamang ang makinabang.
Ayon kay Gloria Estenzo Ramos, Vice President ng Oceana Philippines, dapat gumawa ng hakbang ang gobyerno upang maprotektahan ang marine biodiversity sa Benham Rise na hitik sa mga yamang-dagat.
Batay sa pakahulugan ng national geographic, ang pagdedeklara ng no-take zone ay ang pagbabawal sa anumang uri ng extractive activity tulad ng pangingisda, pagmimina, pangongolekta ng mga shells, drilling, hunting at logging sa isang lugar na bahagi ng teritoryo ng isang bansa.
By Jaymark Dagala