Iginiit ng gobyerno ng China na wala silang planong gawing ‘collateral’ ang mga likas na yaman ng Pilipinas para sa mga ‘loan agreements’ ng dalawang bansa.
Ito ay matapos na lumabas sa isang ulat sa Global Times ang pahayag ng isang Chinese scholar na si Chuang Guotu kung saan sinabi nito na ang mga loans sa China ay may kasamang repayment agreements na kinabibilangan ng ilang natural resources bilang collateral.
Giit ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang, hindi nila hihilingin kailanman sa kanilang mga nakakaugnayang bansa na gawing panggarantiya ang mga likas na yaman nito.
Paliwanag ni Geng, ang tulong at suporta ng China sa Pilipinas sa pamamagitan ng loan agreements ay ibinigay ng ‘no strings attached’ o walang kapalit.
Samantala, iginiit din ni Geng na hindi makakaapekto ang sigalot sa South China Sea sa ‘economic and trade cooperation projects’ sa pagitan ng Pilipinas at China.