Tiyak na lalong lalakas ang loob ng China sa ginagawa nitong militarisasyon sa sinasakop nitong teritoryo sa West Philippine Sea kapag nakansela na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Reaksyon ito ni dating Ambassador to U.S. Jose Cuisia Jr. sa ulat na sinimulan na ang proseso para kanselahin ang VFA –batay na rin sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Cuisia, kung nagawa ng China na i-militarized ang tatlong reefs o bahura na inagaw nito sa Pilipinas sa kabila ng mutual defense treaty at VFA, lalo na anya kapag nawala ang isa sa mga ito.
Kumbinsido si Cuisia na mas talo ang Pilipinas kung mawawala ang VFA at duda sya kung magmamakaawa ba ang Amerika na huwag ituloy ang kanselasyon ng VFA.
Pinayuhan ni Cuisia ang pamahalaan na daanin na lamang muna sa diplomatikong paraan ang sinasabing ‘one-sided’ na mga probisyon sa VFA dahil bukas naman anya sa renegotiation ang Amerika.