Nagpaabot din ng pakikiramay si Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga biktima ng bagyong Vinta sa Visayas at Mindanao.
Ito’y dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo sa naturang mga rehiyon at dami ng mga nasawi na umabot sa mahigit dalawandaan (200) habang nasa isandaan at pitongpo (170) ang nawawala.
Kasunod nito, nag – alok din ang Chinese President ng tulong para sa nagpapatuloy pa ring relief at rescue operations sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Una nang nagpahayag ng kahandaang tumulong ang bansang Japan para sa mga relief operations at rescue efforts sa lahat ng naapektuhan ng bagyo.
Nagpaabot din ng pakikidalamhati at panalangin si Pope Francis maging ang mga bansang Canada, Australia at Estados Unidos sa mahigit kalahating milyong naapektuhang residente ng Mindanao.