Muling binalaan ng US ang China matapos ang panibagong insidente ng panghaharass nito sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa pahayag ni State Department Spokesman Ned Price, sa pamamagitan ng u.s. Embassy sa Maynila, naninindigan ang Amerika na ipagtatanggol ang Pilipinas sa gitna ng tensyon na direktang banta sa kapayapaan sa Southeast Asia.
Alinsunod anya ito sa Article 4 ng 1951 US–Philippines Mutual Defense Treaty kung saan mapipilitang umaksyon ang Amerika sakaling atakihin ang Pilipinas.
Ayon kay Price, dapat ding tumalima ang Tsina sa Freedom of Navigation sa pinag-aagawang karagatan maging sa International Law, partikular sa July 12, 2016 Arbitral Tribunal Ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Nito lamang Miyerkules ay hinarang ng Chinese Coast Guardships at binomba ng water cannons ang ilang resupply ships ng Pilipinas na patungong Second Thomas Shoal. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Drew Nacino